Tila balak ni dating senador at business tycoon na si Manuel “Manny” Villar Jr. na maging pinakabagong “gaming mogul” matapos lagdaan ang $1 billion deal para sa isang malaking casino at hotel joint project sa Las Piñas.
Katuwang ng grupo ni Villar ang hindi ipinakilalang Korean investors sa pagtatayo ng naturang casino.
Ayon sa ulat, matagal nang nagaganap ang negosasyon sa pagitan ni Villar at ng Korean partner, at ngayon lamang napinal ang naturang kasunduan kung saan makikinabang ang magkabilang panig.
Ayon pa sa mga ulat, napili ni Villar na makipagsosyo sa Koreano bunsod na rin ng “substantial market” na nagmumula sa Korea.
Batay sa datos ng Department of Tourism noong Abril 2023, ang mga Koreano ang nangungunang turistang bumibisita sa bansa.
Samantala, ang sinasabing casino na inaasahang itatayo sa Evia Lifestyle Hub sa Las Piñas City, na pag-aari rin ng mga Villar, ang magiging pinakamalaking business venture ng dating senador kumpara sa nauna niyang mga negosyo.