Tila walang nagawa ang “Appointed Son of God” matapos na tanggalin ng Meta ang official Facebook at Instagram pages ni Pastor Apollo C. Quiboloy, ang founder at executive pastor ng Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name (KJC) at chief executive officer ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Ayon sa mga ulat, kahapon, Agosto 17 nang alisin ang official Facebook at Instagram pages ng kontrobersiyal na religious leader at malapit na kaibigan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Hindi naman malinaw kung dahil sa user reports ang naging aksiyon ng Meta, ang social media company, na nagpapatakbo ng Facebook at Instagram.
Nauna na ring nawala ang YouTube page ni Quiboloy noong isang buwan.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang naturang religious leader dahil maliban sa tinatawag nito ang sarili bilang “Appointed Son of God,” nasangkot din ito sa kaso ng human at sex trafficking, pang-aabuso ng karapatang pantao, at maging fraud sa Amerika.
Katunayan, itinuring na ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang pastor na “Most Wanted” para sa mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at bulk cash smuggling. Kasalukuyan naring naka-freeze ang lahat ng assets nito sa US.
Gayon man, patuloy pa ring itinatanggi ng kampo ni Quiboloy ang mga paratang na lumutang mula pa noong 2015.
Ayon pa sa kampo ni Quiboloy, pamumulitika lamang ng Estados Unidos ang naturang mga akusasyon laban sa kontrobersiyal lider ng religious sect.