Nakahandang magtayo ng “mega call center” ang Department of Migrant Workers (DMW) para tumanggap at tugunan ang mga reklamo mula sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naingangailangan ng agarang tulong, ayon kay DMW Undersecretary Hans Cacdac.
“Ang iniisip namin, talagang, if I may call it sa ngayon, [for the] lack of a better term, mega monitoring and call center. Maliit na siguro ang 50 hanggang 100 na magmo-monitor ng calls,” ani Cacdac sa pagpupulong ng Congressional Oversight Committee.
Ngunit ayon sa opisyal, dapat na magkaroon ng dagdag na budget para maisakatuparan ito.
Balak ng DMW na agad na maitayo ang naturang mega call center para sa OFW concerns sa lalong madaling panahon.
“Itatayo pa lamang yung call center from the DMW site. Nangangako kami na within this year, maybe at the earliest possible time, hindi kailangan maghintay ng Disyembre ito,” aniya.
Samantala, mayroon nang OFW hotline ang attached agency ng DMW na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na pinamumunaan ng dating TV host at aktor na si Arnell Ignacio, pero ayon kay Cacdac, magkakaroon na lamang ng iisang hotline kapag naitayo ang balak na call center.
“Pwede naman po pag-usapan kung ito ay matter lamang ng kailangan magkaroon ng single number, pwede naman po pag-usapan ito with Administrator Arnell,” aniya.