Nagpasalamat ang social media personality at motivational speaker sa Pilipinas Today at sa Pilipinas Today Foundation, ang corporate social responsibility arm nito, sa pagbibigay oportunidad sa kanya na maging bahagi ng kauna-unahang community outreach activity ng Pilipinas Today.
Aniya, isa rin sa mga adbokasiya niya ang pagtulong sa mga nangangailangan, partikular sa kabataan.
“Una sa lahat, gusto kong magpasalamat sa inyo, Pilipinas Today, ‘tsaka sa lahat ng crew, dahil naimbitahan ako sa kauna-unahan ninyong foundation [activity] ng Pilipinas Today na may layuning tumulong, lalong-lalo na sa mga kabataan,” aniya sa sidelights ng kauna-unahang outreach activity ng PT sa Doña Basilisa Yangco Elementary School sa Barangay Namayan, Mandaluyong City, noong Agosto 12.
Hinikayat din ni Labador ang ibang organisasyon at indibidwal na gayahin ang ginawa ng Pilipinas Today, at gumawa ng maliliit na hakbang para makatulong sa mga nangangailangan.
Pinuri rin ni Labador ang news and public affairs team ng Pilipinas Today dahil sa pagiging panig nito sa katotohanan, bagay na ginagawa rin niya sa pagpuna sa maling asal at gawi ng mga personalidad kahit pa magbunga ito ng matinding kritisismo laban sa kanya.
Samantala, sinabi rin ni Labador na ngayong nabawasan na ang kanyang responsibilidad sa Episode Bar, ang dati niyang resto-bar na binili na ng isang tycoon, ipagpapatuloy ng social media personality at motivational speaker ang paglilingkod sa sektor ng kabataan, lalo na at ito raw ang napababayaang sektor ng lipunan.
Sa isang eksklusibong panayam kay Labador sa event ng Pilipinas Today, sinabi niya na patuloy niyang gagawin ang nararapat na gawin upang masuportahan ng kabataang Pilipino.
“Isa rin sa mga adbokasiya ko ang matulungan, lalong-lalo na ang mga kabataan natin. Kasi gusto ko ibalik iyong kasabihan na ang Pilipinas, kabataan, diyan tayo dapat mag-focus. Sila ang pag-asa ng bayan,” ani Labador.