Pinigilan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio ang pag-takeover ng Taguig City sa 14 na eskuwelahan sa “EMBO” barangays na naiipit sa iringan sa hurisdiksiyon sa pagitan ng Makati City at Taguig City.
Ginawa ang pagpapahinto sa turnover ng 14 na eskuwelahan sa 10 barangay na sakop ng EMBO upang maibsan ang kalituhan sa hanay ng mga guro, mag-aaral at mga magulang na naiipit sa uminiit na land dispute.
Ayon sa mga ulat, maluwag namang tinanggap nina Makati City Mayor Abigail Binay at Taguig City Lani Cayetano ang inilabas na Department of Education (DepEd) Order No. 23-2023 na naglalagay sa direktang kontrol ng DepEd na nagbubuo ng transition team para sa paglilipat ng 14 na eskuwelahan sa EMBO area, kabilang ang Makati Science High School.
“We look forward to working wholeheartedly with the transition team created by the Vice President. This decision will greatly ease the worries and concerns of our students, parents, and teachers,” ani Binay.
Nauna nang nagkainitan sina Binay at Cayetano hinggil sa takeover ng Taguig sa mga eskuwelahang dating nasa pamamahala ng Makati.
Matatandaang hiniling ng alkalde ng Makati kay Department Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na obligahin muna ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig na kumuha ng writ of execution mula sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) bago nito kunin ang pamamahala sa mga nabanggit na eskuwelahan.
Iginiit naman ni Cayetano na “final and executory” na ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa land dispute.