Dahil sa umiinit na usapin sa hurisdiksiyon ng dalawang siyudad, kumilos na ang Southern Police District (SPD) ngayong Huwebes na para mailipat na sa kontrol at superbisyon ng Taguig Police Station ang 59 pulis na dating nagseserbisyo sa Makati.
Magmumula ang mga pulis na ililipat sa Makati Police Substations 8 at 9. Dalawang barangay din na sakop ng Substation 7 ang malilipat naman sa Substation 8.
“Nag-convene na yung SPD transition committee… We already inventoried the PNP properties na nandoon sa Makati na maaapektuhan na Substation 8 at Substation 9,” ani SPD chief P/Brig. Gen. Roderick Mariano.
Ang mga gamit na donasyon ng Makati government gaya ng police patrol cars at service firearms ay ibabalik sa lungsod.
Nakahanda naman mabigay ng gamit ang SPD at National Capital Region Police Office (NCRPO) kung sakaling kulangin ang isu-supply ng lokal na pamahalaan ng Taguig sa turnover proceedings.
At dahil nalalapit na ang pagbubukas ng klase at pagdaraos ng barangay at Sangguniang Kabataan elections, tiniyak ng SPD na hindi maaapektuhan ang seguridad at serbisyo sa dalawang lungsod
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa hurisdiksyon ng Makati Police Station ang pagbabantay sa 10 “Embo” barangays na pinagaagawan ng dalawang siyudad.