Sabi ng namayapang American memoirist, poet, at civil rights activist na si Maya Angelou: “I have found that among its other benefits, giving liberates the soul of the giver.”
Ang naganap na kauna-unahang gift-giving project ng Pilipinas Today noong Agosto 12 sa Doña Basilisa Yangco Elementary School sa Mandaluyong City noong ika-12 ng Agosto, ay isang patunay na walang hahalaga pa kaysa sa ngiti ng isang natulungan, at maging ang kapayapaan na hatid sa kaluluwa ng isang taos-pusong pagbibigay.
Sa naturang gift-giving event, mahigit 30 bata ang napangiti at napasaya, at mga magulang na nabuhayan ng pag-asa dahil kahit pala sa gitna ng dinaranas ng krisis ng mga Pilipino sa buhay, may mga tao at organisasyon pa rin na pinipiling magbahagi ng biyaya sa higit na nangangailangan.
Bukod sa pamamahagi ng mga regalo at paghahain ng simple subalit katakam-takam na breakfast para sa mga grade schoolers ng naturang paaralan, kasama ang kanilang mga magulang at maging ang ilang staff ng Barangay Namayan.
Nag-enjoy din sila sa magic show at iba’t ibang contest, kabilang ang Q&A sa kasaysayan ng bansa, popular culture, at ang klasikong “Bring Me” game – kung saan nabiyayaan ang mga winners ng cash prizes at regalo mula sa PT.
Naging madamdamin naman ang pagpapasalamat ni Barangay Captain Dondon Francisco, dahil napili ng PT ang kaniyang mga “anak” na mabiyayaan ng ganitong uri ng aktibidad. Sayang nga lamang, at hindi nakadalo si DBYES Principal Mrs. Maria Venancia P. Causon.
Ano nga ba ang halaga ng isang ngiti ng isang taong nagpapasalamat? Para sa amin, mga ka-PT, hindi mo ito kayang presyuhan.
Samantala, sinabi ni Pilipinas Today Foundation Executive Director Shiela Deunida, dahil tagumpay ang naunang gift-giving project ng PT, may kasunod pa ito. Malay ninyo, sa lugar naman ninyo kami dumalaw at magbigay kasiyahan. Sapagkat dito sa PT, hindi lamang kami nagpapakahusay sa pagbabalita kundi maging sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan.