Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na tuloy sa Agosto 29 ang pagsisimula ng klase sa 14 na pampublikong paaralan na apektado ng umiinit na agawan ng teritoryo ng pamahalaang lokal ng Makati at Taguig para sa School Year 2023-2024.
Sinabi ni DepEd Undersecretary Michael Poa na hindi papayagan ng kagawaran na madiskaril ng tumitinding bangayan ng Makati at Taguig ang pagbubukas ng klase sa mga paaaralan ng inaangkin ng dalawang siyudad.
Kamakailan, mismong ang magulang ng mga estudyante ang umamin na sila’y nakararanas na ng kalituhan at pangamba sa nangyayaring agawan ng hurisdiksiyon sa mga paaralan sa Makati City na kapwa inaangkin nila Mayor Abi Binay at Taguig City Mayor Lani Cayetano.
“Hindi po, hindi po natin gagawin ‘yun. Wala pong ganoong pinag-uusapan ngayon. In fact, even the LGUs (local government units) naman po, hindi naman po nila kagustuhan ‘yan,” pahayag ni Poa.
Noong Miyerkules, Agosto 16, ipinagutos na ng DepEd ang pagtatatag ng isang transition team – na binubuo ng mga kinatawan ng DepEd, at Makati at Taguig LGUs – para sa maayos na paglilipat ng pamamahala ng mga paaralan ang 14 na Makati City schools na isasailalim na sa hurisdiksiyon ng Taguig City government base sa kautusan ng Korte Suprema.