Naglabas ng kautusan ang Office of the Ombudsman sa pagsibak kay Cesar Chiong bilang acting general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Kasabay na pinasisibak ng Ombudsman si Irene Montalbo bilang acting assistant general manager for finance and administration ng MIAA.
Sina Chiong at Montalbo ay kapwa inilagay sa preventive suspension noong April 28, 2022.
Ang dalawang opisyal ay napatunayan ng Office of the Ombudsman na “guilty” sa kasong grave abuse of authority at grave misconduct bunsod ng kanilang pagbalasa sa 285 empleyado ng MIAA sa kanilang panunungkulan sa ahensiya sa loob ng isang taon.
Unang inihayag ng Ombudsman na itinalaga ni Chiong si Montalbo bilang acting assistant general manager bagamat hindi ito kuwalipikado sa posisyon matapos makakuha ito ng unsatisfactory rating sa evaluation and assessment process noong 2020.
Si Chiong ay itinalaga sa MIAA ni dating Executive Secretary Victor Rodriguez na hindi rin nagtagal at natanggal din sa kanyang puwesto sa Malacanang, ayon sa ulat.