Nasakote ang isang carnapper matapos na tumirik ang tinangay nitong kotse, ayon sa ulat ng pulisya

Mula Naga, Camarines Sur, tinangay umano ng isang lalake ang isang kulay pula na kotse sa isang negosyante matapos puwersahang pasukin bahay nito at iginapos sa banyo.

Base sa imbestigasyon, pinalitan ng suspek ng plaka ang kotse para makaiwas sa mga awtoridad at ginamit bilang passenger service sa mga bayan sa Quezon Province.

Hindi pa umano nakuntento ang hindi napangalanang carnapper kaya nagpaikot-ikot pa ito sa Quezon at Batangas.

Tinakasan rin niya ang ilang gasoline station na pinagpakargahan ng gasolina.

Ayon sa report ng Highway Patrol Group (HPG)-Quezon, nitong Lunes tumirik umano ang ninakaw na kotse ng suspek sa Mauban Road, Barangay Lagawe, Tayabas Quezon at hindi na mapaandar.

Matapos abandonahin dahil hindi na mapaandar, nakatawag pansin ng mga barangay official ang kotse na ilang araw nang nakaparada doon.

Sa puntong ito naaresto ang carnaper na di pinangalanan ng mga otoridad pero napag-alaman na taga-Caloocan City. Iba’t ibang identification cards ang narekober ng mga awtoridad sa suspek.
Itinurn-over ng Quezon HPG ang suspek sa Camarines Norte HPG para doon sampahan ng kaso habang kakasuhan naman sya ng theft sa Tayabas City kung saan niya tinakasan ang mga gasolinahan.

DINDO FLORA