Matapos na mapalaki at mapasikat, isang business tycoon ang bumili ng Episode Bar ng kontrobersiyal na social media personality at motivational speaker na si Rendon Labador.

Sa isang eksklusibong panayam ng Pilipinas Today kay Labador, sinabi nitong talagang balak niyang ibenta ang kaniyang shares sa oras na mapaangat niya ang pangalan ng Episode Bar na nasa Quezon City.

“Ang plano kasi diyan, sa Episode Bar, from the start, gagawin ko ‘yong brand, papasikati ko, then ibebenta ko. Right now, ang nagmamay-ari na ng Episode Bar, isa nang corporation. Nabili na siya ng isang malaking businessman, isang business tycoon, na alam ko naman na mas mapapabuti iyong mga tao sa Episode Bar,” pagbabahagi ni Labador sa Pilipinas Today.

Inanyayahan pa ng social media celebrity ang publiko na puntahan at subukin ang serbisyo ng mas pinabuting Episode Bar.

“Siguro, i-try n’yo ‘yong services nila, iyong food–lahat. Okay siya,” pagbibida pa ni Labador.

Nakilala si Labador sa matatalim na pagpuna at kritisismo niya sa asal ng kilalang mga personalidad sa showbiz at maging sa pulitika.