Nakapatay ang body camera ng isa sa mga pulis na sangkot umano pagpatay kay Jemboy Baltazar sa Navotas City.
Dahil dito, walang rekord ng pangyayari bago at pagkatapos pagbabarilin ang biktima ng mga tauhan ng Navotas Police Station.
Ayon kay Navotas Police Station chief P/Col. Allan Umipig, kailangang may body camera at lagi itong naka-on tuwing may operasyon para sa “transparency” at “accountability” ng mga pulis tuwing may anti-criminality operation.
“It turns out that the one wearing a body cam did not turn it ‘on’ while the operation was ongoing. That is why I am also [charging] him. I will have him investigated,” ani Umipig sa isang panayam sa kaniya ng Radyo 5.
Ayon sa hindi pinangalanang pulis, low batt na ang kamera kung kaya hindi ito naka-on nang isagawa ang operasyon.
Batay sa mga naunang ulat, Agosto 2, may hinahabol na murder suspect ang mga pulis nang makatagpo ang biktima at ilan pang kasamahan nito habang sakay sa isang bangka.
Ayon sa mga nakasaksi, bigla na lamang pinaputukan ng mga pulis ang biktima, kung kaya nalaglag ito mula sa bangka. Umabot sa tatlong oras bago nakita ang lumobo nang katawan ni Baltazar.
At lumitaw sa imbestigasyon, ang pagkakapatay kay Baltazar ay isang kaso ng “mistaken identity.”
Agad namang inalis sa puwesto ang 27 tauhan ng Navotas Police matapos ang pangyayari.