Pumanaw na ang dating bise alkalde ng Maynila at ama ni incumbent Mayor Honey Lacuna na si Danilo “Danny” Lacuna, Sr., noong Linggo, Agosto 13, sa edad na 85.
Mismong si Mayor Lacuna ang nag-anunsiyo sa malungkot na balita.
“A man of great service and compassion, Danny touched many, creating life which spans further than just his hears and into the hearts of us all where he will remain forever,” sabi ng alkalde sa kanyang Facebook post.
Hindi naman inihayag ng alkalde ang dahilan ng kamatayan ng kaniyang ama.
Isang beterano sa larangan ng pulitika, naunang naglingkod si Lacuna bilang konsehal ng Maynila mula 1968 hanggang 1975. Tatlong beses siyang naging bise-alkalde: mula 1970 – 1971, mula 1988 hanggang 1992, at mula 1998 hanggang 2007.
Siya rin ang nagtatag ng lokal na partido sa Maynila na “Asenso Manileño,” para isulong ang kandidatura ng kaniyang anak bilang konsehal at kay Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang bise-alkalde ng Maynila noong 2007, kung saan siya ang naging running mate nito bilang alkalde subalit natalo kay dating National Bureau of Investigation Director Alfredo “Fred” Lim.
Naulila ni Lacuna ang kaniyang maybahay na si Melanie “Inday” Lacuna, limang anak nito at mga apo.
Pakikiramay po, mula sa pamilyang Pilipinas Today!