Pinag-iingat ng Southern Police District (SPD) ang publiko laban sa umano’y pagkalat ng pekeng pera kasunod ng pagkakaaresto sa isang dating sundalo na gumamit ng counterfeit money sa pagbili sa sari-sari store.
Ang paalala ay ginawa ni SPD Director P/Brig. Gen. Roderick Mariano partikular para sa mga may-ari ng maliliit na tindahan. Aniya, kailangang maging mapanuri ang lahat lalo na’t nalalapit na ang “ber” months kung saan nagsisimula na rin ang shopping season kasabay ng pagiging aktibo ang mga kawatan.
“We urge the public to immediately report any person to the authorities using such bills in any transaction for appropriate action as the ‘ber months’ or the peak shopping season draws near,” pahayag ni Mariano.
Matatandaang nitong Biyernes ng gabi, Agosto 12, ay naaresto si Kevin Jhon Soncio, 30-anyos, sinibak na sundalo ng Philippine Army, makaraang bumili sa isang tindahan sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City, gamit ang pekeng pera.
Nakuha mula sa suspect ang siyam na pekeng P1,000 bills at iba’t ibang identification cards.
Nagpakilala pang miyembro ng Philippine Army ang suspect habang inaaresto ng pulisya subalit napag-alamang matagal na itong nasibak sa serbisyo at pawang mga pekeng dokumento na lamang ang kanyang hawak.
Nahaharap ang suspek ng kasong paglabag sa Article 168 ng Revosed Penal Code o Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and Other Instruments of Credit, Usurpation of Authority at Falsification of Public Documents.
-Baronesa Reyes