Patay ang dalawang factory worker matapos mabundol ng isang SUV sa Madison Street, Barangay Ilaya, Mandaluyong, kahapon ,pasado alas-7 ng gabi.

Ideneklarang dead-on-the-spot si Randy Mañalac, 52. Samantala, nalagutan ng hininga habang isinusugod sa ospital ang kasamahan nitong si Regean Ramos, 32..

Na-sandwich sa pader ang dalawang biktima nang salpukin ng isang Mitsubishi Montero, ayon sa Mandaluyong City Police Station.

Lumitaw sa imbestigasyon na nagpapahinga sa labas ng kanilang opisina ang mga biktima nang mangyari ang insidente

Hiindi naman matanggap ni Mary Joy Bernardo, kinakasama ni Reagan, ang sinapit ng kanyang live-in partner at humihingi ng hustisya sa awtoridad.

“Masakit kasi antagal na namin, anliit pa ng mga anak namin, makulong po ‘yung nakabangga sa kanya tapos tustusan ‘yung pag-aaral ng mga anak ko,” ani Bernardo.

Kasalukuyang nakakulong sa Mandaluyong Police ang driver ng SUV na hindi muna pinangalanan habang patuloy ang imbestigasyon . Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide.

Tutulong naman sa mga pamilya ng mga nasawi ang kumpanyang pinagtatrabahuhan nito.