Pinangunahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Benhur Abalos ang oath taking ceremony para sa 102 dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na natanggap sa Philippine National Police (PNP).
Ang mass oath taking para sa mga dating rebelde at ngayo’y miyembro na ng PNP sa ilalim ng 2023 Recruitment Program ng gobyerno ay isinagawa sa police headquarters in Camp Salipada K. Pendatun, Parang town, Maguindanao del Norte kahapon, Agosto 10.
Limamput dalawa sa mga tinanggap sa ranggong “Patrolman” ay mula sa hanay ng MILF habang 50 iba pa ay mga dating MILF members na pumasa sa qualifying examinations ng National Police Commission (Napolcom) na isinagawa noong Mayo 2023.
Mahigit sa 400 ex-rebels ang nag-apply sa PNP integration program subalit 102 ang pumasa mula sa kanilang hanay.
Napagalaman na ilan sa mga bagong recruits ay kababaihan na sumabak din sa pakikibaka ng dalawang rebeldeng grupo nitong mga nakaraang taon. Matapos silang manumpa sa tungkulin, isasalang na sa anim na buwang physical training ng PNP.
Ikinatuwa naman ni Abalos ang pagpasok ng mga dating MNLF at MILF rebels sa hanay ng pulisya.
“Today is a history in the making. This is the very first PNP Oath Taking Ceremony with former members of the MILF and MNLF being sworn in to become members of the Philippine National Police,” ayon sa kalihim.
“Salamat po sa pakikiisa sa ating pamahalaan. Sa ating pagsasama-sama, madali nating maitataguyod at makakamtan ang isang mas mapayapa at mas masaganang Bangsamoro,” giit ni Abalos.