Agosto 12, 2023, nang masaksihan ng mga residente ng Barangay Namayan sa Lungsod ng Mandaluyong ang tunay na esensiya ng Pilipinas Today (PT) bilang ahensiya ng impormasyon at pagbabalita. Hindi lamang nakatuon ang PT sa paghahatid ng napapahong impormasyon at maiinit na balitang malapit sa puso ng mga Pilipino, kundi isa rin itong ahensiya ng tunay na paglilingkod.
Tunay na News at Public Service
Sa loob lamang ng maikling panahon, napatunayan ng PT ang potensiyal nito sa pagbabalita at pagbibigay impormasyon sa milyun-milyong Pilipino sa pamamagitan ng social media at ng worldwide web (www.pilipinastoday.org). Mula balitang pampulitika at pang-ekonomiya, hanggang sa kwelang usapan na panglibangan at showbiz, ang PT ay namamayagpag. Patunay nito ang milyong views at likes sa iba’t ibang social media pages nito at maging ang patuloy na tumataas na bilang ng mga nagbabasa sa website nito.
Subalit, hindi lamang ito ang kaya ng PT. Kaya rin nitong magbigay ng kasiyahan at pag-asa sa ating mga kababayan, lalo na sa kabataan. Katunayan, mahigit 30 bata sa Barangay Namayan at mga magulang nila ang nahandugan ng tulong ng PT noong Agosto 12, sa Doña Basilisa Yangco Elementary School, sa kauna-unahang outreach activity nito.
“Ang Pilipinas Today, service din siya. Nararapat din tayo na magkaroon din tayo ng isang foundation, para makapagdala rin ng kasiyahan, ng tulong; iyong simpleng katulad nito, na outreach program,” ani Pilipinas Today Foundation Executive Director Shiela Deunida.
Ayon kay Deunida, umpisa pa lamang ang outreach program na naganap sa Barangay Namayan sa inaasahang mga aktibidad na pangkawanggawa ng Pilipinas Today Foundation.
Nasa pagbibigay ang pag-asa
Sa naging talumpati sa pagtatapos ng programa ng unang outreach ng Pilipinas Today Foundation, inihayag ni Barangay Captain Dondon Francisco hindi lamang ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa ginanap na outreach activity sa kanilang barangay kundi, maging ang paghanga niya sa mga taong nasa likod ng organisasyon.
“Madali lang ang tumanggap. Tatanggap ka lang. Pero ang magbigay, iyon ang mahirap lalo na’t may pangangailangan ka rin. Ang ginawa ninyo sa mga anak ko (mga bata ng Barangay Namayan) ay hinding-hindi namin malilimutan,” sinabi pa ng ama ng Barangay Namayan.
Ayon pa kay Francisco, dahil nagbukas ng puso ang Pilipinas Today Foundation sa kanyang mga nasasakupan, bukas din ang kanilang barangay sa mga taga-PT.
“May kasabihan nga, mi casa est tu casa, my home is your home. Welcome po ang taga-Pilipinas Today, rito sa aming barangay, sa paggamit ng pasilidad at iba pa,” aniya.
Samantala, sa isang maikling panayam ng PT News Team sa Barangay Captain, sinabi niya: “Unang-una sa lahat, bumabati ako ng congratulations sa Pilipinas Today. Iyong ginawa ng Pilipinas Today dito sa aking barangay ay talagang mahirap sabihin through words. Dahil iyong pag-reach out ninyo sa mga kabataan ng Namayan, ay napakahirap at talagang pinagtuunan ninyo ng pansin ito eh, talang pinag-effortan ninyo.”
Para naman sa social media influencer, entrepreneur at motivational speaker na si Rendon Labador, na naging abala rin sa pamimigay ng regalo at kaunting kasiyahan sa mga nagsidalo, malaki ang naging pasasalamat niya sa Pilipinas Today sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na makapaglingkod sa mga bata, na tinawag niyang pag-asa ng bayan at dapat na alagaan dahil ang mga ito raw ang susunod na henerasyon ng Pilipinong dapat magtaguyod sa kung ano ang tama.
Kapag sama-sama, kayang-kaya
Subalit hindi lamang sa PT ang tagumpay sa naturang okasyon, kundi maging sa mga taong tumulong upang maisakatuparan ang hangarin ng Pilipinas Today Foundation: si Barangay Captain Victor Emmanuel “Dondon” S. Francisco at buong konseho ng Barangay Namayan, ang punungguro ng DBYES na si Mrs. Maria Venancia Causon, social media celebrity na si Rendon Labador, ang catering services na naghandog na masasarap na pagkain para sa mga magulang at nagsidalo, at ang clowns na naging sentro ng katuwaan sa nabanggit na okasyon. Maging ang host na resident vlogger na si Papa Ethan ay naging bahagi rin ng pagpapatibay sa layunin ng PT: ang magbigay kasiyahan at tulong sa mga Pinoy.
At gaya nang unang nabanggit, hindi dito natatapos ang pagtulong at pagkalinga ng aming grupo sa mga Pinoy. Bagkus, parang isang malaking daluyong ng alon ng pag-asa ang susunod na mga outreach program ng PT.