Pumanaw na kahapon, Agosto 10, ang premyadong aktor na si Robert Arevalo – Robert Francisco Ylagan sa tunay na buhay – sa edad na 85.
Si Arevalo ang kabiyak ng isa ring kilalang aktres na si Barbara Perez.
Mismong anak ng aktor na si Anna Ylagan, ang naghatid ng malungkot na balita sa kaniyang Facebook account.
“Robert Francisco Ylagan, a.k.a. Robert Arevalo, peacefully passed away at 10:17am this morning, Aug. 10, 2023,” ani Anna.
“Praise God for His mercy and grace. We are grateful that He has given us the best Papa one can ever wish for,” ayon pa kay Anna.
Taong 1960 nang magsimulang gumanap sa pinalakang-tabing si Arevalo. Tumagal ang kaniyang career bilang aktor at scriptwriter sa pelikula, telebisyon, at teatro, nang mahigit limang dekada.
Nanalo siya ng Best Actor Award sa Film Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) noong 1965 sa kaniyang pagganap sa “Mundo ng Api.” Taong 1977 nang bigyang parangal ang kaniyang isinulat na script pampelikula na “Hubad na Bayani, bilang pinakamahusay na screenplay sa Gawad Urian (Manunuri ng Pelikulang Pilipino).
Best Supporting Actor winner naman siya para sa kaniyang pagganap sa “Ama, Bakit Mo Ako Pinabayaan?” sa Metro Manila Film Festival noong 1990.
Ang huling parangal na natanggap ni Arevalo ay Best Supporting Actor Award mula sa Film Academy of the Philippines noong 1994.
Isa sa hindi malilimutang pagganap ni Arevalo ay sa pelikulang “Sakada” na idinirehe ni Behn Cervantes sa panulat ni Bonifacio “Boni” Ilagan noong 1976.
Hindi ka namin malilimutan, Robert Arevalo! Taus-pusong pakikiramay sa pamilya at mga naulila mula sa Pilipinas Today.