Hindi na maaring tumuntong ng lungsod ng Maynila ang drag artist na si Amadeus Fernando Pagente na mas kilala bilang “Pura Luka Vega,” matapos na magdesisyon ang 12th City Council of Manila na ideklarang persona non grata ang kontrobersiyal na performer.
Nag-ugat ang isyu matapos mag-viral ang panggagaya ni Pura Luka Vega kay “Hesukristo” habang sumasayaw at kumakanta ng remix version ng “Ama Namin” at nakasuot pa ng damit gaya nang “Itim na Nazareno.”
Sa ibinabang desisyon, hindi pinalagpas ng mga miyembro ng Konseho ang ginawa ng drag artist upang hindi tularan ng iba.
Binigyan din ng importansya ng lupon ang pagmamahal at pagsamba ng mga Manileño sa Itim na Nazareno na binastos umano ni Pura Luka Vega.
Paliwanag pa ng Manila City Council, hindi dapat gawin biro ang pananampalataya ng mga Katoliko.
Ang Maynila ang ika-apat na lokal na pamahalaan na nagdeklarang persona non grata kay Pura Luka Vega kung saan nauna rito ang General Santos City, Floridablanca sa Pampanga at Toboso, Negros Occidental.
Bukod sa pagiging persona non grata, nahaharap rin ang drag artist sa kasong kriminal na inihain ng ilang religous group.
-Mores Heramis