Inaasahan ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes na magiging mas agresibo ang kanilang koponan, ngayong dumating na ang Utah Jazz star player na si Jordan Clarkson para sumali na sa pagsasanay ng pambansang koponan ngayong Miyerkules, Agosto 9.
Ipinaliwanag ni Reyes na malaking bahagi ng opensa ng Gilas ay naka-angkla kay Clarkson, na pinarangalan bilang “2021 NBA Sixth Man of the Year.”
“It’s no secret that our offense is not as smooth and as polished as we want it to be and a lot of that is because we want to build our offense around Jordan who is not here,” ani ni Reyes.
“So just by having him here, hopefully, we can have the offense at a better place, to a higher level.”
Ipinaliwanag ni Reyes na nang umarangkada ang paghahanda ng pambansang koponan para sa 2023 FIBA World Cup, inilatag na rin nila bilang policy na maging “open” sa isa’t isa para sa maayos na teamwork kasama ang 31-anyos na NBA star.
“For which we were preparing these past months. We were preparing so that it’s going to be an easy integration for Jordan when he comes in,” dagdag pa ni Reyes.
Kinumpirma rin ni Reyes na nadagdag ang Cote D’ Ivore sa listahan ng scrimmage games para sa Gilas.
Makakaharap ng Gilas ang West African squad sa Agosto 16, susundan ng Montenegro sa Agosto 20, at Mexico sa Agosto 21.
Inaasahang sasabak si Clarkson sa lahat ng tatlong ‘tune-up games’ habang nasa last stretch ang Gilas sa paghahanda sa World Cup bago ang kanilang group stage debut laban sa Dominican Republic na gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, sa Agosto 25.