Niyanig ng 5.3 magnitude na lindol ang Davao Oriental, kaninang umaga.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naganap ang lindol alas-8:57 ng umaga kung saan nasa Governor Generoso, Davao Oriental ang episentro nito.
Naranasan ang Intensity III na payanig sa mga lugar ng Pikit, Cotabato, Don Marcelino, Davao Occidental, Nabunturan, Davao De Oro, at Malungon, Sarangani.
Ramdam naman ang Intensity II sa Kidapawan City, Cotabato; Matanao, Davao Del Sur; Davao City, Gingoog City sa Misamis Oriental; Kiamba, Sarangani; Tampakan at Koronadal City, South Cotabato; at General Santos City.
Bukod dito, niyanig din ng Intensity I quake ang Magpet at Alamada sa Cotabato; Magsaysay, Davao Del Sur; Jose Abad Santos, Davao Occidental; Malapatan, Sarangani; Polomolok, South Cotabato; at President Quirino, Sultan Kudarat.
Pinag-iingat din ng PHIVOLCS ang mga residente sa nabanggit na mga lugar laban sa mga posibleng pagguho ng lupa bunsod ng aftershocks.
–Floridel Plano