Sa botong 12-2, ibinasura ng Korte Suprema ang proklamasyon ni Romeo Jalosjos Jr. bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Zamboanga del Norte, na nagbigay-daan sa pag-upo ng katunggali nitong si Roberto “Pinpin” Uy Jr.
Nauna rito, bagaman proklamado ng Commission on Elections (Comelec) ang pagkapanalo ni Jalosjos noong Hunyo 23, 2022, naglabas naman ang status quo ante decision ang Korte Suprema pagkalipas ng isang buwan, dahilan para hindi makaupo ang kongresista sa Kamara.
Inilabas ang status quo ante ng Kataas-taasang Hukuman matapos magpetisyon si Uy noong Hunyo 7, 2022, hinggil sa disqualification case nang itinuring ng Comelec bilang “nuisance candidate” si Federico Jalosjos, na walang kaugnayan sa kongresista.
Batay sa naunang resulta ng bilangan, lamang dapat si Uy ng mahigit 400 boto kung hindi ipinasa ang boto ni Federico Jalosjos kay Romeo Jr. Ayon sa ulat, mahigit 5,424 na boto ang legal na naipasa kay Romeo Jr., dahilan upang lumamang ito kay Uy nang mahigit 4,200 boto.
Subalit dahil sa status quo ante, napilitang bakantehin ni Jalosjos ang puwesto habang hinihintay ang ang desisyon ng Korte Suprema sa naturang isyu.
At sa paglabas ng final decision sa kaso, ipinag-utos ng Korte Suprema sa Comelec na pormal nang ideklara si Uy bilang lehitimong kinatawan ng Unang Distrito ng Zamboanga del Norte.