Maghahain ng kasong human trafficking ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga hukom na nagutos palayain ang mga dayuhang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na naaresto sa Las Piñas nitong Hunyo.
“I want to tell you that I have instructed… the Bureau of Immigration to file the necessary cases against the judges who willingly granted this habeas corpus petition without any colatilla,” sabi ni DOJ Secretary Crispin Remulla.
“Four of the courts in Las Piñas have actively granted habeas corpus petitions,” dagdag pa ng kalihim.
Giit ni Remulla dapat ay may kasamang colatilla sa release order na nagsasabi na maaari silang palayain maliban kung sila ay inaresto para sa iba pang mga kaso.
“Sa ganitong paraan, sila’y nagbibingi-bingihan sa hurisdiksyon ng Bureau of Immigration (BI) ng Kagawaran ng Katarungan (DOJ) pagdating sa mga ilegal na gawain ng mga dayuhan sa bansa. Kaya’t maghahain tayo ng mga kaso laban sa mga hukom,” giit ni Remulla.
Nang hingin ng komento, sinabi ni Atty. Christian Vargas, legal counsel ng Xinchuang Network Technology, sinabi niya na kailangan munang suriin ang bilang ng mga naaresto ngunit kinalaunan ay pinalaya rin dahil ang karamihan ng habeas corpus petition ay pinagbibigyan ng korte.
Noong Hunyo 27, ipinatupad ng mga awtoridad ang isang search warrant sa compound ng Xinchuang base sa alegasyon ng human trafficking kung saan nailigtas ang 1,534 Pilipino at 1,190 na dayuhan na isinangkot sa ilegal na operasyon ng POGO.
Itinanggi ni Vargas na sangkot ang Xinchuang sa ano mang uri ng human trafficking habang iginiit nito na lehitimo ang kumpanya nito.