Pinamamadali ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang isinasagawang pagaaral sa pagkukumpuni ng water impounding system sa Candaba, Pampanga na itinuturing na “long-term solution” sa walang humpay na pagbaha sa lalawigan.
Ang water impounding system ay magsisilbing reservoir na itatayo sa mabababang lugar kung saan dadaloy at maiipon ang tubig baha upang magamit kinalaunan sa irigasyon ng mga pananim.
Ang panukalang water collection pool ay tinalakay sa isinagawang situation briefing kasama ang ilang lokal na opisyal ng Pampanga nang magsagawa ng aerial inspection si Pangulong Marcos sa mga binahang lugar.
Nagtungo rin ang Punong Ehekutibo sa Bren Guiao Sports Complex upang mamahagi ng relief goods sa mga apektadong residente.
Sa gitna ng pangamba ng mga magsasaka sa magiging epekto ng proyekto sa kanilang kabuhayan ng panukalang istraktura, tiniyak naman ng Pangulo na hindi ito itutuloy ng gobyerno hanggang hindi aprubado ng mga opisyal at residente ng Pampanga.
Sinabi ng Malacanang na namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga food packs at P10,000 sa mahigit 1,000 apektadong residente sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Samantala, naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P2.3 milyon para tulungan ang mga nawalan ng trabaho dahil sa malawakang pagbaha sa Pampanga, partikular sa mga bayan ng Candaba, Macabebe, Masantol, Arayat, Porac at Sta. Ana, bunsod ng mga nagdaang kalamidad.