Aabot sa 871 na tauhan ng Manila Police District (MPD) ang ipinakalat sa mga paaralan sa Maynila sa unang araw ng enrollment sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.
Ayon kay MPD Director P/Brig. Gen. Andre Dizon, layunin nitong mapangalagaan ang seguridad sa loob at labas ng mga paaralan, lalo na ang mga guro, magulang at estudyante.
Bukod dito, nakipag-ugnayan na rin ang MPD sa mga pamunuan ng mga eskuwelahan at ibang force multipliers para sa maayos na paglalatag ng karagdagang seguridad.
Patuloy rin umiikot ang motorcycle at bicycle units ng MPD para i-monitor ang sitwasyon ng mga paaralan.
Matatandaan na nakibahagi rin ang MPD sa ginawang pagsasaayos at paglilinis ng mga paaralan sa ilalim ng Brigada Eskwela program.
-Mores Heramis