Nasa kustodiya na rin ng Philippine National Police (PNP) ang anim pang baril na nakarehistro kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa matapos bawiin ang kanyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at mga firearm registration.
Ayon sa PNP, isinuko ng legal representative ng senador ang anim na baril noong Lunes sa kanyang residence sa Silang, Cavite. Pinangasiwaan ng PNP Firearms and Explosives Office at Regional Civil Security Unit 4A ang turnover para sa pansamantalang pag-iingat ng mga armas.
Dahil dito, umabot na sa 26 ang kabuuang bilang ng mga baril na naisuko, kabilang ang 20 naunang isinuko noong Hunyo 11. Gayunman, may 91 pang baril na hindi pa naibibigay sa mga awtoridad mula sa kabuuang 117 armas na sakop ng revocation order.
Ang pagbawi sa mga lisensya at rehistrasyon ng mga baril ay isinagawa alinsunod sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
