Humingi ng paumanhin ang Sumitomo Corporation at technical partner nito na TES Phlippines, Inc., mga maintenance providers ng MRT-3, sa perwisyong idinulot ng aberya ng mga tren, dahilan upang limitahan ang distansiya ng ruta na nagresulta sa pagkakaipit ng malaking bilang ng pasahero sa ibang istasyon nito.
“We are currently conducting an investigation into the root cause of the incident and are taking all the necessary actions to prevent a recurrence,” ayon sa Sumitomo Corporation.
Dakong ala-5 ng madaling araw nang biglang nagkaaberya ang mga tren sa pagitan ng Buendia at Guadalupe Stations kaya nilimitahan ang biyahe nito. Isinisi ng MRT-3 management ang insidente sa technical issue.
Dahil dito, napilitan ang Department of Transportation (DOTr) na mag-alok ng libreng sakay sa mga stranded na pasahero sa pamamagitan ng EDSA Carousel buses kung saan ang gastusin ng operasyon ay ipinasasagot sa Sumitomo.
Ito ay sa kabila ng pagbabalik ng normal na operasyon ng linya bandang 6:57 ng umaga.
