Nangangailangan ng hindi bababa sa ₱245.819 milyon para maayos ang mga nasirang silid-aralan at makapagsagawa ng cleanup drives sa mga paaralan sa Mindanao, na tinamaan ng 7.8 magnitude na lindol kamakailan, ayon sa Department of Education (DepEd).
Ayon sa DepEd Situation Report No. 7 ngayong Miyerkules, Hunyo 10, nangangailangan ng ₱215.698 milyon para sa minor repairs ng mga silid-aralan sa 1,022 public schools sa 19 probinsiyang naapektuhan ng lindol.
Sa ₱215.698 milyon, lumalabas na ₱49,000 kada classroom ang nakalaan na pondo.
Samantala, nasa ₱30.121 milyon ang kakailanganin para sa clean-up at clearing operations across affected school sites.
Ayon naman sa DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service, nakapagpalabas na ang ahensya ng ₱21.902 milyong paunang pondo para sa agarang pagtugon sa mga piling lugar habang nagpapatuloy ang validation at engineering assessments sa mga paaralang napinsala ng lindol.
