Sa ilalim ng liderato ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara, para sa Marcos administration, pinalakas ang Senior High School (SHS) curriculum, aabot sa apat na milyon ang benepisyaryo ng school-based feeding program, lumikha ng mahigit 30,000 teaching positions, nasa 81,000 school heads ang na-promote, at 10,000 school counselor associates ang iha-hire.
Sa State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr., ibinida niya ang mahahalagang proyektong naisakatuparan ng DepEd sa nakalipas na mga taon, sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Sonny Angara.
Pinalakas ng DepEd ang SHS curriculum, pinaigting ang Work Immersion Program, mahigit 1,500 SHS graduates ang agad na nakapagtrabaho, habang nakapagtala ng 81 porsiyentong placement rate ang mga sumailalim sa technical-vocational learnings.
Mahigit apat na milyong mag-aaral ang makikinabang sa pinalawak na school-based feeding program, nagha-hire ngayon ng 10,000 school counselor associates, pinalakas ang reporting mechanisms kontra bullying, habang mas coordinated na ang pagtiyak sa seguridad sa mga paaralan sa pakikipagtulungan ng DepEd sa pulisya at mga lokal na pamahalaan.
Sa panig ng mga guro, aabot na sa 81,000 school heads ang na-promote, nakalikha ng 30,000 teaching positions na kasalukuyang pinupunan, habang tuluy-tuloy ang pamamahagi ng mga laptop at tablet computers, smart TVs, lapel microphone, at iba pang gadgets na makakapagpadali sa kanilang pagtuturo.
Samantala, Lumalarga ngayon ang pagtatayo ng 16,000 classrooms sa Luzon sa pamamagitan ng Private-Public Partnerships (PPP), na pinabilis katuwang ang mga lokal ba pamahalaan, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
