Walang naitalang insidente ng pagkatumba o pagkahulog si dating pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng kanyang detention facility sa The Hague, Netherlands sa nakalipas na 30 araw, dahil “rare” o bihira lamang mangyari ito, ayon sa Registry ng International Criminal Court (ICC).

Ito ay batay sa ICC Registry, na namamahala sa mga non-judicial administrative aspects ng international tribunal, sa isang isinumiteng ulat noong Mayo 13, na isinapubliko naman ngayong Huwebes, Mayo 21.

“Ergonomic adjustments are made to the placement of items in his cell and in the visiting rooms in order to allow him to have more free and stable movement. On rare occasions where Mr. Duterte did have a fall, ICC Detention Centre custody staff were able to respond immediately to assist him, and immediately call for medical assessment,” mababasa sa seven-page document ng ICC Registry.

Ang isinumiteng ulat ng ICC ay bilang tugon na rin sa hiling ng defense team ni dating pangulong Rodrigo Duterte para sa ilang partikular na impormasyon hinggil sa kondisyon ng dating presidente.

Una nang hiniling ng dating lead defense counsel ni Digong na si Atty. Nicholas Kaufman ang access sa video surveillance ng selda ng 81-anyos na dating pangulo dahil sa diumano’y mga madalas na insidente ng pagkatumba nito, na dulot ng kawalan ng balanse.