Sa pagtutulungan ng mga guro at lokal na pamahalaan, umabot na sa 90 porsyento ang literacy rate o dami ng mga mag-aaral na marunong nang bumasa at sumulat sa Iloilo City, ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ngayong Huwebes, Abril 23, ibinida niya ang pag-angat ng literacy rate sa Iloilo mula 28 percent patungong 90 percent bunga ng pagtutulungan ng ahensya, ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), ng Synergeia, at ng lokal na pamahalaan.
Ibinahagi rin ni Angara na ang mga naging susi sa paggaling ng mga mag-aaral ay ang pagsasanay sa mga guro, madalas na pagsusulit sa kakayahan ng mga bata, at mahusay na pamumuno ng mga lokal na opisyal.
Pinasalamatan din ng kalihim ang mga namumuno sa programa at sinabing maaari itong maging halimbawa sa ibang mga lalawigan upang mas mapaganda pa ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa.
Ulat ni Brit Cezar
