Pinarangalan ng prestihiyosong Government Media Awards sa Singapore ang national anti-drug campaign ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagmulat sa kaisipan ng milyung-milyong kabataan ang masamang epekto ng ilegal na droga.
Sa isang kalatas, inanunsiya ng DILG na nanalo ang programa nitong Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) ng Government Media Awards for National Social Welfare Initiative of the Year na ginanap kamakailan sa Singapore.
Si DILG Secretary Benhur Abalos ang tatanggap ng award na, aniya, ay malaking karangalan para sa Pilipinas.
“Hindi biro at mabigat ang problema natin sa iligal na droga kaya kailangang kumilos ang lahat para masugpo ito. Sa pamamagitan ng BIDA program, lahat tayo ay tulung-tulong kasama ang PNP, PDEA, NBI at iba pang awtoridad,” giit ng kalihim.
Inilunsad sa buong bansa nong Nobyembre 2022, nagsagawa ng iba’t ibang wellness at fitness activities ang DILG sa ilalim ng BIDA upang mailayo ang mga mamamayan sa illegal drugs.
Kabilang sa mga aktibidad ay mga fun run, service caravans, seminars, sportfests, tree-planting at maging cleanup campaign sa mga barangay.
Tampok din sa BIDA ang pagbubuo ng partnership sa pagitan ng DILG at Philippine Basketball Association (PBA) upang pagigtingin ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot na itinuturong ugat ng iba’t-ibang krimen sa bansa.