Masyadong mabigat ang P1,000 multa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga riders na sisilong sa flyover, footbridges at iba pang istraktura na mapanganib para sa mga dumaraang motorista, ani Sen. Jose Victor “JV” Ejercito.
“Ako, [malambot] ang puso ko sa mga riders, lalo na iyong mga courier riders, kasi iyan ang sumalba sa atin [noong panahon ng pandemya]. Iyon lang, ang fines are too stiff,” ani Ejercito sa isang panayam ng media.
Ani Ejercito, masyadong mataas ang P1,000 multa sa riders na maliit lang naman ang kita.
“Kung susumahin mo, iyong kita nila for that day, iyon na ang ipakakain nila sa pamilya nila,” paliwanag ni Ejercito.
Aniya, maaari sigurong babaan ang multa at gawin itong P100 hanggang P200.
Samantala, sinabi ng senador na nauunawaan naman niya ang gustong mangyari ng MMDA subalit lubha lang aniyang malaki ang gustong ipataw na multa sa lalabag sa bagong panuntunan ng ahensiya.
Magugunitang naglabas ng kautusan ang MMDA Traffic Management Group na magpapataw ng multa sa mga rider na tumatambay sa ilalim ng flyover at footbridge para magpatila ng ulan na hindi lang nagiging sanhi ng pagsisikip ng trapiko subalit inilalagay rin sa peligro ang mga dumaraang motorista.
Nilinaw naman ng MMDA na papayagang tumigil saglit ang mga nagmomotor sa ilalim ng tulay at flyover sa EDSA para magpalit ng kanilang rain gear.