(Photo courtesy of DILG)
Pinatututukan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa Bureau of Fire and Protection (BFP) ang nangyaring pagbagsak ng mga poste sa Binondo, Manila, noong Huwebes, Agosto 4, upang madetermina ang mga dapat managot sa insidente.
Tatlong katao ang sugatan habang walong sasakyan din ang napinsala dulot ng pagbagsak ng mga konkretong poste sa Quitin Paredes St., Binondo, Manila.
Inatasan din ng DILG ang BFP na makipag-koordinasyon sa mga pribadong electric company na may-ari ng mga posteng nagbagsakan upang magbigay ng kaukulang tulong sa mga indibidwal na naapektuhan sa insidente.
Dalawa sa sugatan sa insidente ay lulan ng isang e-tricycle habang ang isa pang biktima ay naka-bisikleta.
Nagdulot din ng mabigat na traffic ang mga bumalandrang poste at kable sa lugar.
Sinabi ng Manila Electric Company (Meralco) na pipilitin nitong maibalik ang power supply sa mga naapektuhang lugar ngayong Biyernes.
Samantala, tinagubilinan ni Abalos ang mga pamahalaang lokal sa Metro Manila na magsagawa ng inspeksiyon sa mga poste ng kuryente, construction sites, billboards at iba pang installation na maaaring mabuwal bunsod ng malakas na ulat at pagbaha.