Sugatan ang 11 estudyante matapos biglang sumabog ang isang portable butane stove sa loob ng isang samgyupsal restaurant sa Barangay Caranglaan, Dagupan City nitong Huwebes, Marso 12.
Ayon sa ulat ng Dagupan City Police, masayang nagsasalo-salo ang mga estudyante habang ipinagdiriwang ang kaarawan ng isa nilang kaklase nang maganap ang insidente.
Batay sa imbestigasyon, nagkaroon umano ng gas leak sa naturang stove na naging sanhi ng pagsabog.
Walo ang nananatili sa ospital, kabilang ang dalawang malubhang nasugatan na nakatakdang operahan, habang tatlo naman ang pinauwi na matapos mabigyan ng paunang lunas.
Samantala, nangako naman ang may-ari ng restaurant na sasagutin ang gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatan.
Ulat ni Brit Cezar
