Naglabas ng isang memorandum si Land Transportation Office (LTO) chief Markus Lacanilao para sa isang programa na magkakaloob ng libreng medical at courier services sa pagre-renew ng driver’s license ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa pamamagitan ng isinasagawang caravan ng LTO at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW) sa ibang bansa.
“Ang programang ito ay konkretong paraan ng pamahalaan upang ipakita na sila ay pinahahalagahan at hindi nakakalimutan, habang pinapadali ang proseso ng pagre-renew ng kanilang driver’s license,” pahayag ni Lacanilao.
Layunin ng programa na mabawasan ang gastusin at abalang pinapasan ng mga OFW sa pagpapa-renew ng kanilang lisensiya.
Bukod sa libreng medical examination, saklaw rin ng programa ang libreng courier service para sa pagpapadala ng naprosesong driver’s license mula sa Pilipinas patungo sa piling tanggapan ng OWWA o DMW, gayundin sa mga Embahada ng Pilipinas sa ibang bansa, kung saan maaari itong personal na kunin ng mga OFW.
Noong mga nakaraan, umaabot hanggang ₱6,000 ang gastusin para sa medical at courier service. Sa ilalim ng bagong programang ito ng LTO, ang naturang mga bayarin ay tuluyan nang inalis, giit ng LTO chief.
Ang programang ito ay pasasalamat ng gobyerno sa mga OFW, na patuloy na nag-aambag nang malaki sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas. Ito ay patunay ng pagtitiyak ng gobyerno na gawing mas komportable ang buhay ng mga OFW sa ibang bansa.
