(Photo courtesy of CAAP)
Nagpadala na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) – Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AIIB) ng mga imbestigador sa Tuguegarao, Cagayan upang alamin ang dahilan pagbagsak ang isang Cessna plane na ikinasawi ng piloto at estudyante nito kamakailan.
Nitong Huwebes, Agosto 3, nang matagpuan ang mga bangkay ni Capt. Edzel John Lumbao Tabuzo, piloto, at estudyanteng nitong si Ashun Rajkumar Konde, na naipit sa loob ng bumagsak na training aircraft sa Sitio Matad, Brgy. Salvacion. Luna, Apayao
Pakay ng mga imbestigador ng AAIIB na suriin ang bumagsak na eroplano, kolektahin ang mga ebidensya, at makausap ang mga airport authorities sa Laoag International Airport upang matukoy ang pinagugatan ng aksidente.
Unang naiulat na nawawala ang Cessna plane na numerong RP-C8958 ay noong Agosto 1 matapos mag-take off mula sa Laoag bandang alas-12:16 ng tanghali. Naka-schedule sana itong dumating sa Tuguegarao Airport bandang alas-3:16 ng hapon pero hindi ito nangyari.
Ito na ang ikalimang air tragedy ngayong taon at ang ikatlong insidente na may kinalaman sa Cessna aircraft sa bansa.
Ang unang Cessna plane na bumagsak noong Enero 24, 2023 sa Isabela, habang ang ikalawang insidente naman ay nangyari noong Pebrero 18 sa Albay.