(Photo courtesy of Elwid Tec)

Patay ang isang jailguard matapos umanong agawan ng baril at pagbabarilin ng isang preso nitong Miyerkules ng umaga, Agosto 2, sa Sta Cruz, Laguna.

Hindi na umabot nang buhay sa Laguna Provincial Hospital ang biktima na si Jonathan Buenviaje, 50, guard sa Laguna Provincial Jail.

Ginagamot din sa naturang pagamutan ang suspek na si Romnick Estadilla, 32-anyos.

Batay sa ulat ng PNP, binabantayan ng biktima ang Dormitory 1 nang lapitan siya ng suspek at biglang inagaw ang kanyang baril mula sa likuran bago pinutukan nang sunud-sunod sa biktima.

Isang jail guard naman ang agad na sumaklolo at pinagbabaril ang suspek, ayon sa ulat.

Sinabi sa ulat na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

–Baronesa Reyes