Sumuko nitong Huwebes, Agosto 3, ng hapon kay Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano ang isang lalaki na nasa likod ng umano’y pamamaril at pagpatay ng isang ‘bully’ sa kanilang komunidad sa lunsod.

Unang lumapit ang suspek , na nakilalang si Rener Saddi, ng Barangay 162, Malibay, Pasay City, kay Barangay Chairman Antonio Trestiza at sinabi na gusto niyang sumuko mismo kay Mayor Emi dahil sa pangamba sa kanyang buhay.

Doon na sinamahan ng mga opisyal ng barangay sa kanyang pagsuko kay Rubiano kasama sina Southern Police District chief P/ Brig. Gen. Roderick Mariano at Pasay City Police Station chief P/Col. Froilan Uy.

Sa inisyal na imbestigasyon, iginiit ng suspek na madalas siyang binu-bully ng biktimang si Marlon Avila, 51. At nang umabot na sa punto nang maubos na ang kanyang pasensiya at magdilim ang kanyang paningin, pinagbabaril niya ito hanggang sa malagutan ng hininga sa noong Hulyo 31.

Nahaharap ngayon sa kasong murder si Saddi habang nakapiit sa Pasay City Jail, ayon sa pulisya.

–Mores Heramis