(Photo courtesy of Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport)
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at airport police ang tinatayang P46 milyon halaga ng ilegal na droga sa isang inabandonang parcel sa isang warehouse sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) complex, Pasay City.
Galing sa Africa ang parcel na idineklarang “African Cultura” na ipinadala umano ni Michael Mobida ng 28 Krombek St., Van Reibeeck BIR, Kempton Park, Johannesburg, South Africa, at naka-consign sa isang Wilbert Dee ng Manila.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang droga na isiniksik sa isang parcel nang isalang ito sa x-ray machine. Nang bulatlatin ng customs examiner ang lamang ng pakete, dito na nadiskubre ang kontrabando na tinabunan ng mga tela, placemats, punda, at kumot.
Sa loob ng parcel, nakita ang anim na plastic pouches ng nuts, at tatlong plastic bags ng pumpkin seeds na pinagsiksikan ng mahigit sa anim na kilo ng hinihinalang shabu na may street value P45,900,000.
Agad na inilipat ng BOC personnel sa airport at PDEA authorities habang inaalam may iba pang kasabwat sa naunsiyaming pagpupuslit ng shabu sa paliparan.