(File photo courtesy of PNP)
Kalaboso ang isang 21-anyos na helper sa Tondo, Maynila matapos na gahasain ang isang 13-anyos na babae noong Pebrero, ngayong taon.
Kinilala ang suspek na si Christopher Ramos Waje, na inireklamo ng pamilya ng biktima sa pulisya dahil sa panghahalay nito sa anak na kinuhanan pa umano ng video.
Kwento ng ina ng biktima, nagbanta pa umano ang suspek sa kaniyang anak na ikakalat ang video sakaling hindi ito makipagkita sa kaniya. Una nang kinompronta ng ina ang kaniyang anak tungkol sa insidente, subalit dahil sa takot ng biktima sa suspek, binura nito ang mahalagang parte ng ebidensiya.
“Tinatakot po siya pag hindi po siya ano, may lalabas daw po na video,” lahad ng ina ng biktima.
Sa salaysay ng biktima, sapilitan umano siyang hinubaran ng pang-ibaba sa mismong bahay ng suspek at sa takot na masaktan hindi na ito pumalag.
Sa bisa ng warrant of arrest mula sa Regional Trial Court Branch 9 sa Manila, naaresto ang suspek. Kasong statutory rape ang kakaharapin ng suspek, pahayag ni P/Lt. Col. Wilfredo Lazarito Fabros Jr., hepe ng Raxa Bago Police Station sa Tondo.
–Ellen Mirasol