Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng pagsasagawa ng isang “science-based” approach upang maresolba ang problema sa pagbaha sa Metro Manila, matapos isisi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Manila Baywalk Dolomite Beach project ang flood issue.

Sa isang statement na inilabas noong Huwebes, Hulyo 18, sinabi ng DENR na mahalaga na ang pagtukoy ng pinagmumulan ng pagbaha ay nakabase sa “science-based analysis,” lalo na at malaki ang impluwensiya ng nagaganap na climate change sa malaking pagbabago ng lagay ng panahon.

Ito ay matapos sabihin ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na ang paglalatag ng Dolomite Beach project sa Roxas Blvd. noong panahon ng administrasyong Duterte ang isa sa mga dahilan ng pagbaha sa Metro Manila dahil nabarahan nito ang daluyan ng tubig sa tatlong major drainage outfall sa Faura, Remedio, at Estero de San Antonio Abad.

Sa kabila nito, tiniyak ng DENR na binibigyan nito ng konsiderasyon ang mga pahayag ng MMDA kasabay ng pagsiguro na handa itong makipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang magkaroon ng permanenteng solusyon laban sa problema ng pagbaha sa Kalakhang Maynila.

Dahil dito, nanawagan si Bicol Saro Rep. Terry Ridon sa Kamara na magsagawa ng imbestigasyon sa Dolomite Beach project upang madetermina kung dapat panagutin ang DENR at iba pang ahensiya ng gobyerno dahil sa kapabayaan sa proyekto, na tinawag niyang “cosmetic intervention and nothing else.”

Samantala, umapela rin ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mas epektibong flood risk reduction scheme tulad ng pagkukumpuni ng modernong drainage system, mahusay na waste management program, pagsusulong ng ecosystem restoration, at paghikayat sa mga komunidad na tumulong sa pagresolba sa naturang problema.