(Photo courtesy of PNP)
Hindi na nakapalag nang arestuhin ng mga operatiba ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang pinaghihinalaang kidnapper na umano’y may kaugnayan sa Maute terrorist group nakumikilos sa Lanao del Norte.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Agosto 3, sinabi ni PNP-AKG director Brig. Gen. Rodolfo Castil Jr. na naaresto noong Martes, Agosto 1, ng operatiba ang suspek na si Fahad Makil Lumiguis, 33, ng Barangay Basagad, Balo-i, Lanao del Norte.
Ang suspek ay dinampot sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu ng korte sa Tagum City, Davao del Norte at Iligan City, Lanao del Norte, dahil sa kasong kidnapping.
Hindi pinayagan ng korte na maglagak ng piyansa ang suspek,, ayon kay Castil.
Ang arestadong suspek ay ika-anim na Most Wanted Persons ng PNP sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nakumpiska sa kanya ang isang kalibre .45 baril na may limang bala at magazine.
Batay sa tala ng pulisya, sangkot si Lumiguis sa operasyon ng ilegal na droga, carnapping at pagpatay sa ilang personalidad sa rehiyon.