Pinamamadali na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang konstruksyon ng Valenzuela to Camp Aguinaldo segment Metro Manila Subway Project (MMSP) upang agaran na itong magamit ng mga commuter.
“Sana matapos natin ito hanggang Valenzuela by 2028. Baka puwede na nating i-inaugurate,” sabi ni Marcos.
Sa kanyang pagbisita sa project site ngayong Miyerkules, Hulyo 16 ng umaga, sinabi ni Pangulong Marcos na sinisikap ng pamahalaan na madaliin ang konstruksyon para maibsan ang trapik at paginhawain ang biyahe.
“Lahat naman ay nag-a-agree na kailangan bilisan ito para naman mas maginhawa ang kanilang pag-commute,” dagdag pa ng Pangulo.
Nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa Japanese government dahil sa tulong nito sa konstruksyon ng Metro Manila Subway.
Makikipagtulungan naman ang Department of Transportation (DOTr) sa contractor ng subway upang agad na matapos ang konstruksyon nito bilang tugon sa direktiba ng Pangulo, ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon.
“Gaya ng sinabi ng Pangulo, malaking ginhawa ito sa mga komyuter oras na maging operational ang segment na ito para kahit paano maibsan natin ang hirap ng kanilang arawang commute. Makikipagtulungan tayo sa contractor para mapabilis ang konstruksyon,” sabi ng kalihim. (Photo courtesy of Presidential Communications Office)
