Naitala na 66 na porsyento ng mga Pinoy ang sang-ayon na dapat sagutin ni Vice President Sara Duterte ang mga impeachment charges laban sa kanya, ayon sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa Stratbase Group commissioned survey ng SWS na isinagawa noong Hunyo 25-29, lumabas na 66 na porsyento ng mga Pilipino ang sang-ayon na kailangan sagutin ni Vice President Sara Duterte ang mga paratang laban sa kanya hinggil sa kanyang impeachment case, habang 19 porsyento ang hindi sang-ayon.
Naitala naman na 15 porsyento ang ‘undecided’ sa tanong kung dapat sagutin ng bise presidente ang mga sakdal.
Lumabas din sa resulta ng survey na ang porsyento ng mga sumasang-ayon ay pinakamataas sa Metro Manila (76 porsyento), na sinundan ng Balance Luzon (69 porsyento), at Visayas (67 porsyento).
Bagaman ang Mindanao ang may pinakamababang porsyento ng mga sang-ayon (55%) na dapat harapin ni VP Sara ang impeachment case, ito ay nananatiling mas mataas kaysa sa 19% na nagsabing hindi sila sang-ayon, sa parehong rehiyon.
Ulat ni Jilliane Libunao
