Sa ginanap na press conference ngayong Martes, Hulyo 15, ipinagmalaki ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vivencio “Vince” Dizon na naresolba na ng ahensiya ang 18 milyong backlog sa plaka ng Land Transportation Office (LTO) na nagsimula pa noong 2014.
“We have already produced 5.4 million motorcycle plates which effectively eliminates the backlog,” sabi ni Dizon.
“As of now, under the term of President Bongbong Marcos, wala na tayong backlog sa license plates,” pahayag ni Dizon.
Ayon pa sa LTO, ang 5.4 milyong plaka ay handa nang ipamahagi sa iba’t ibang LTO District Office sa bansa na siya namang magdi-distribute sa may-ari nito sa mga susunod na araw.
Ini-report ni LTO acting chief Greg Pua Jr. na mula sa naturang bilang, 1,437,559 ang ipamamahagi sa Metro Manila; 2,343,191 sa Luzon; 672,308 sa Visayas; at 992,668 sa Mindanao.
Para makuha ng mga motorista ang kanilang plaka, hinikayat ni Dizon na gamitin ng mga ito ang LTO plate tracker.
