(Photo courtesy of MMDA)
Inanunsiyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkules, Agosto 2, na ipatutupad sa Setyembre ang single-ticketing system sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa MMDA, bagamat nagkaroon ng mga glitches sa dry run ng bagong sistema, tuloy pa rin ang implementasyon nito.
“May kaunting glitches pa kaming nakita sa initial rollout – tulad nung Bayad Center – 5,000 pala ang outlets nila nationwide, so hindi pa po lahat na-adjust na ang kanilang penalties,” ani MMDA acting chairman Romando Artes.
“Pero aside from that, mukhang all-systems-go na tayo,” dagdag pa Artes
Nitong Mayo 2023, pitong lungsod – Manila, Quezon City, San Juan, Parañaque, Muntinlupa, Caloocan, at Valenzuela – ang nakibahagi sa pilot run ng single-ticketing system.
Nailipat na rin ng MMDA ang 30 ticketing devices sa mga LGU na nasasakupan para magamit ng kani-kanilang traffic enforcers. Maaari namang gumamit ng ibang options ang mga LGU para sa cashless payments ng mga traffic offenders.
Ayon kay Artes, bukod sa maiiwasan na ang kalituhan sa mga motorista kung saan babayaran ang penalties, makatutulong din ang single-ticketing system sa pagbawas ng suhulan at pangongotong sa pagitan ng mga pasaway na motorista at tiwaling traffic personnel.