Naghihimas na ngayon ng rehas na bakal ang isang jeepney barker matapos saksakin ng barbecue stick ang isang lalaki sa Barangay Sta. Barbara, Novaliches, Quezon City.

Kinilala ni P/Capt.Melchor Tomulto ng Novaliches Police Station, ang suspek na si Jomel Marimla, 25, na dati nang may criminal record sa pulisya sa kasong pagnanakaw. Samantala, bigo naman ang pulisya na maibigay ang identity ng biktima ng pananaksak.


Base sa imbestigasyon, papunta umano ng tindahan ang biktima para bumili ng sabon nang nagkasagian sila ni Marimla. Ikinainis umano ito ng suspek dahilan para dumampot ng barbecue stick bago pinagsasaksak sa leeg ang biktima.


“Bumibili siya ng sabon ngayon bigla lumitaw ang suspek galing sa likod at sinaksak siya sa leeg. Nag-conduct kami ng profiling sa suspek, nalaman namin meron pala siya dating kaso ng theft,” ani Tomulto.

Paliwanag ng suspek nagdilim umano ang kanyang paningin nang magkasagian sila ng biktima.
Nahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek, ayon kay Tomulto.