Aabot sa 10.4 porsiyento ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger o walang makain kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ang survey na inilabas nitong Miyerkules, Agosto 2, ay nagpapakita na ang hunger rate ng Hunyo 2023 ay mas mataas kumpara sa 9.8 porsiyento na naitala noong Marso ngunit mas mababa naman sa 11.8 porsiyento noong Disyembre 2022.
“The 0.6-point rise in Overall Hunger between March 2023 and June 2023 was due to increases in Metro Manila and Balance Luzon, combined with a steady percentage in the Visayas and a sharp decline in Mindanao,” ani ng SWS.
Ayon sa pollster, tumaas ng 5.0 puntos ang insidente ng pagkagutom sa Metro Manila (10.7 porsiyento hanggang 15.7 porsiyento) habang tumaas naman ng 2.6 puntos sa Balance Luzon areas (8.7 porsiyento hanggang 11.3 porsiyento).
Lumitaw din sa latest SWS survey na halos hindi nagbago ang resulta sa Visayas (9.7 porsiyento hanggang 9.3 porsiyento) habang ang mga hunger rate sa Mindanao ay bumaba ng 5.4 puntos (11.7 porsiyento hanggang 6.3 porsiyento).
Isinagawa ang survey mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 1 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa mahigit 1,500 Pinoy.