Posibleng tumaas ng piso ang pamasahe sa jeepney sa susunod na linggo dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“It will be a one-peso increase across the board, but that’s it. There will be no per-kilometer hike – just a flat rate for now. It’s already too burdensome for consumers,” saad ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III.
Ayon sa LTFRB, kasunod din ito sa hiling na dagdag-pasahe ng ilang transport groups, tulad ng Pasang Masda, ALTODAP (Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines), at ACTO (Alliance of Concerned Transport Organizations), dahil sa tumataas na gastos sa operasyon.
Unang iniulat ng Department of Energy (DOE) na ang pagtaas ng presyo ng langis ngayong taon ay dulot ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran dala ng speculative trading at pangamba sa suplay.
Bilang tugon, naghahanda na rin ang gobyerno na maglunsad ng P2.5-bilyong fuel subsidy program para sa mga jeepney, bus, taxi, ride-hailing services, at mga delivery vehicles upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
